NBSB. No boyfriend since birth sa edad na 29 years old. Iyan ako.
Taon-taon sa reunion, hindi mawawala ang tatanungin ng mga tito at tita ko kung may “boyfriend” na raw ba ako. Simula college hanggang sa ngayong nagtratrabaho na ako, iisa pa rin ang sagot ko: WALA. Gusto ko na ngang sabihin sa kanila, “Manliligaw nga wala, boyfriend pa kaya?”
Ilang ulit ko na ring naririnig ang, “Ang ganda mo kaya. Bakit wala ka pang boyfriend?” Sa isip-isip ko tuloy, “Talaga bang maganda ako? Kasi parang hindi naman iyon nakikita ng iba.” At ang madalas pang magbigay ng mga compliment sa akin ay ang “Titas of Manila.” Kaya sa aking palagay, hindi naman totoo.
Sino ba kasi’ng magkakagusto sa akin? Iyan ang naging mindset ko sa loob ng mahabang panahon. Ang totoo niyan, dumating na sa puntong hindi na ako umaasang magkaka-boyfriend pa ako. Sabi pa ng aking nanay, sama-sama raw kaming magpipinsang tatandang dalaga.
Para sa akin, wala namang mali roon. Siguro nag-aalala lang talaga ang nanay ko kung wala akong makakatuwang sa buhay. Pero naisip ko, magkakaroon nga ako ng katuwang sa buhay, pero hindi naman pala talaga siya nararapat para sa akin, bakit ko pa pipilitin?
Ayaw kong madaliin ang pagbuo ng isang pamilya, ni ang pagpili ng magiging BF. Maigi na nga lang maging single kaysa sa dumating ang panahong pagsisihan ko pa. Mamaya, sa kamamadali ko, ang mahanap at mapili ko pang maging katuwang ay hindi naman pala ayon sa non-negotiables ko. O kaya ‘yung kaugali ng tatay ko.
Hindi naman sa hindi ko mahal ang tatay ko, pero hindi kaugali ng tatay ko ang ibig kong makasama habambuhay. Kaya hangga’t maaari, iniingatan ko rin ang aking puso. Bilin na bilin ng nanay ko, huwag na huwag akong pipili ng kaugali ng tatay ko. Ang bilin na ito ang hinding-hindi ko kakalimutan.
Pero napapaisip pa rin ako. Kasi ang totoo niyan, gusto kong magkaroon ng sarili kong pamilya. Minsan, umaandar ang pagka-hopeless romantic ko. Aba, pangarap kong kung sino ang first BF ko ay siya na rin ang mapapangasawa ko. Eh paano nga naman iyon mangyayari, ‘di ba? Wala nga akong boyfriend?
Kaya hinding-hindi maipagkakailang kinakabahan na rin ako. Lalo pa at tumatakbo ang oras at mukhang ako’y napag-iiwanan na. Karamihan sa mga classmate ko noong high school at college ay may kanya-kanya nang pamilya. May mga successful sa pagbuo ng pamilya, may ilan namang hindi. Kaya naman sabi ko sa sarili ko, “Ayos lang. Take your time. Hindi pa siguro oras ngayon.”
Ngunit darating at darating ang panahon na gugustuhin mong kilalanin pa ang sarili mo. Nabigyan ako ng pagkakataon kamakailan dahil sa Love Life Retreat ng Feast Singles. Lahat ng mga itinatagong sakit at pilit ibinabaong mga alaala ay paunti-unting sinusubukang hilumin sa pamamagitan ng pagtanggap sa wagas na pagmamahal ni God.
Doon ko napagtanto na ang pagmamahal Niya lang ang makagagamot sa lahat ng sugat at sakit. Dapat hayaan mong mag-overflow lang ang love Niya para lahat ng nakasasakit sa iyo ay tuluyang mawala.
Sa oras na hinayaan mo ang love Niya na pumasok sa puso mo, magiging malaya ka nang tanggapin ang pagmamahal ng ibang tao, at mas magiging malaya kang ipakita ang pagmamahal mo sa iba.
Madalas, nakakalimutan kong ako ay maganda sa paningin ni God. Nakakalimutan kong ang imperfections ko ang mas nagpapaganda sa akin sa paningin Niya. Hindi mahalaga ang sasabihin ng ibang tao. Sa pagkalimot sa mga aral na ito lamang nagmumula ang mga sakit at pagkabigo.
Hindi ko na pala kinakailangan ng ibang tao upang maging buo, dahil kay God lang buo na ako. Nariyan si The One hindi para buuin ako, kundi para ibahagi ang nag-uumapaw na pagmamahal Niya.
Bukod pa riyan, natutunan ko ring bigyang halaga ang sarili ko. Ang magkaroon ng oras para sa sarili ko. Naisip ko, masyado akong nag-aalala sa future na kung sino ba ang makakatuluyan ko, na nakakalimutan ko nang ang kasiyahan at pagmamahal ay parehong desisyon ko. Hindi dapat nakabase ang mga ito sa ibang tao, bagkus, maaari rin itong manggaling sa aking sarili.
Oo, mahirap sa umpisa lalo na at nasanay akong isipin muna lagi ang iba, lalo na ang mga magulang ko. Pero dahan-dahan ko itong ginagawa. Hindi naglaon, ayun, may mga lalaking nagsimulang magpalipad-hangin. Crush o gusto raw ako.
Noong una, hindi naman ako makapaniwala kasi kahit kailan, wala namang nagsabi sa akin niyan. Doon ko napag-isip-isip na kapag minahal mo ang sarili mo at hinayaan mo lang na umapaw itong pagmamahal na ito, makikita ito ng iba at kusang lalapit ang pag-ibig sa buhay mo.
Hanggang ngayon, bigo pa rin akong mahanap si The One. Pero alam kong darating at darating siya. Lagi ko siyang ipinagdarasal. Hinihiling kong habang binubuo ko ang aking sarili, ganoon din sana siya. Upang sa oras na kami ay magkita, pareho kaming buong haharap sa isa’t isa. Nawa ay patuloy naming mahalin si God hanggang sa kami ay Kanyang pagtagpuin sa tamang oras, sa tamang lugar, at sa tamang panahon na handang-handa na akong pumasok sa isang relasyong nakasentro lamang sa Kanya. Sa Kanya kung saan nagmumula ang dalisay at wagas na pag-ibig.